4 days ago
Senior high school, nais ni Sen. Jinggoy na alisin na; K to 12 program, bigo umano
Naghain ng panukalang batas si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada para alisin na ang senior high school sa ilalim ng basic education ng bansa. Ayon sa senador, bigo umano ang layunin ng K to 12 program na maihanda ang mga estudyanteng magtatapos na makapasok sa trabaho.
Paliwanag ni Estrada sa Senate Bill No. 3001, pagkaraan ng 12 taon mula nang ipatupad ang SHS sa ilalim ng K to 12 program, bigo pa rin itong makamit ang pangunahing layunin na mabigyan ng pagkakataon ang mga SHS graduate na makapasok ng trabaho.
'We can't keep letting students and their parents shoulder the extra time and cost of senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level?' ayon kay Estrada sa pahayag.
Sa panukalang batas ni Estrada, nais niyang mapanatili ang pangunahing prinsipyo sa Republic Act No. 10533, o Enhanced Basic Education Act of 2013. Pero aalisin na ang SHS, 'to simplify the high school system while still making sure students get quality education that meets global standards.'
Inirekomenda niya ang isang taon sa kindergarten education, anim na taon sa elementary education, at apat na taon sa secondary education.
'This bill is a practical step to fix our basic education system – make it more efficient, use resources better, and give students a more meaningful learning experience,' ani Estrada.
Sa darating na School Year 2025-2026, na magsisimula sa June 16, 2025, at magtatapos March 31, 2026, ipatutupad ang revised SHS curriculum, matapos na sumailalim sa masusing pagsusuri at konsultasyon mula sa education stakeholders.
Kabilang sa mga pagbabago sa curriculum ang pagbabawas sa core subjects na ginawa na lang lima mula sa 15 sa bawat semester para sa full year ng Grade 11.
Ang limang asignatura ay ang: Effective Communication (Mabisang Komunikasyon), Life Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.
Kindergarten
Samantala, magpapatupad din ng pagbabago ang Department of Education (DepEd) sa cut-off policy ng edad ng mga bata na maaaring tanggapin para sa Kindergarten.
Sa ilalim ng bagong patakaran, maaari nang tanggapin sa Kindergarten ang mga batang malapit nang mag-limang taong gulang sa araw ng pasukan simula sa School Year 2025-2026.
'This policy is rooted in our understanding that every child grows and learns at their own pace,' saad ni Angara sa pahayag nitong Huwebes. 'By allowing more flexibility in the Kindergarten age requirement, we are making sure that each learner has the opportunity to start strong and succeed from day one.'
Sa bagong patakaran, ang mga bata na magiging limang-taong-gulang "on or before October 31" ng school year ay maaari nang mag-enroll sa Kindergarten. Ang dating cut-off date sa edad ng mga bata ay August 31.-- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News